Bakit Masarap ang Bawal?

SOURCE: ***http://definitelyfilipino.com/blog/2011/09/27/bakit-masarap-ang-bawal/

Kapag meron kang rashes o minor skin condition (naks! pag mahirap, kurikong o bungang araw) at pinayuhan kang wag kamutin ang apektadong bahagi, lalo kang nang-gigigil na kutkutin ito gamit ang iyong mga kuko o concrete nail, kung medyo masokista ka. Kapag sinabi naman ng teacher na bawal magdaldalan habang nagkaklase, saka naman kating-kati ang bibig mong makipagkwentuhan. At kung saan pa may nakasulat na “Bawal Umihi Dito”, yun mismo ang lugar na ginagawang toilet bowl nga mga lasingero. Ano nga ba ang meron sa salitang bawal at parang nahi-hypnotize tayong suwayin ito?

Sa kasalukuyang panahon, madaling idahilan na, napakaraming bawal ngayon, kaya naman napakalaki din ng tsansa na masuway mo ang isa sa kanila. Parang raffle lang. The more entries, the more chances of winning.

Pero sandali. Diba noong unang panahon, sabi pa nga sa bibliya (oo, nakapagbasa nako ng bible, maniwala ka man o hindi), iisa lang ang bawal gawin. Ang kumain ng forbidden fruit. Generic “fruit” ang term kasi di pa napagdedesisyunan ng mga eksperto kung mansanas nga ba yun o bunga ng punong mabolo.

Balik sa kwento. Iisa lang pala ang bawal, bakit di parin nasunod? Bakit di napigilan ni Eba na kagatin ang prutas? Kasalanan ba talaga niya? O pakana ito ng kupal na ahas? Dapat ba ay binantayan siya ni Adan? Nagblush ba sila noong first time nilang narealize na sila’y naka hubad? Nagkaroon ba ng kuliti si Adan? At bakit mansanas na may kagat ang logo ng isang sikat na motel?

Kahit walang knorr cubes o mama sita’s kare kare mix. Masarap daw talaga pag BAWAL. Lahat tayo ay nakasandok na sa kawali at tumikim nito.

BAWAL TUMAWID DITO – dahil ba ito sa pagmamahal natin sa mga tradisyunal na laro gaya ng patintero? Pag nasagasaan ka? Tumbang preso? Ang hilig natin tumawid sa mga highway at main roads. At di lang yan, aakyat pa ng fence o center island. Mas madali ba yun kesa sa umakyat ng footbridge o dumaan sa underpass? Alangan namang yung 10 wheeler pa ang umiwas sayo at umakyat sa footbridge. Tutal, di naman mapigilan ang iba, pagandahin pa natin. Maglagay tayo ng poste sa gitna ng kalsada, tapos sa poste, may nakasabit na flag. Paunahan lahat ng j-walkers na makuha ang flag habang iniiwasan ang mga nagdadatingan na sasakyan. Unang makagawa nito, mananalo ng techno marine watch. Consolation prize para sa mga nasagasaan ang isang pack ng nescafe at lata ng skyflakes (onion chives flavor).

BAWAL PUMASOK – Sabi nga nila, curiosity killed the cat. Oo nga naman, bakit bawal pumasok dito? Anong meron? Baka kasi may wishing well sa loob na sa halagang limang piso e matutupad lahat ng kahilingan mo. O kaya naman, may secret meeting sa loob ng mga FHM beauties kung saan nagpapalitan sila ng kuro-kuro sa kung anong klase ng undies ang babagay sa isat isa habang sinusukat nila ito. Kaya kahit may barbed wire sa pinto, tigas parin tayo sa pagbalewala nito.

BAWAL TAPAKAN ANG DAMO – Di mo naman first time makakita ng damo, pero sarap talagang tapakan pag may nakabaon na “keep off the grass” sign sa lupa. Lalo na kung badtrip na nakatingin sayo ang hardinero at pinagbabalakan kang sagasaan ng lawn mower.

BAWAL UMIHI DITO – Napanood ko sa animal planet na may mga hayop na minamarkahan ang kanilang teritoryo sa pamamagitan ng pag-ihi dito. Siguro ganun din yung mga malakas jumingle sa pader. Naaamoy nila ang aroma ng kanilang urine at nagpapaalala ito sa kanila na “uy, dito ako huling umihi, i therefore proclaim this land, jingleville”.

BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO – Bunga ba ito ng madalas nating panonood ng wow mali? Pati mga taga clean and green department ng inyong barangay e ginu-goodtime narin? Lakas mag trip e. Dun pa mismo sa baba ng arrow nakalagay ang isang malaking plastic bag na nilalangaw. Sabagay. Baka nga naman hindi itinapon doon. Inilapag lang.

BAWAL MAGTINDA DITO – Ito ang madalas na sign sa mga bangketa. Medyo naiintindihan ko pa ito kung bakit madalas hindi sundin. Isa kasi sa pinakamahalagang aspekto ng negosyo e ang lokasyon. Dapat madaming taong dumadaan para malaki ang tsansa na may bumili. Kaso ang problema, kung saan maraming tao, doon bawal magtinda. Pwera nalang siguro kung may stall ka sa mga malls. Nakakasikip daw. Pero intindihin mo din sila. Alangan namang magtinda sila ng tumpok ng sayote sa gitna ng bukid. Malamang, walang customer.

BAWAL UMUPO DITO – Sign sa mga plant boxes, railings at mga hagdanan. Partikular sa mga mall. Medyo ironic ito. Sa lugar kung saan minumura tayo ng ating mga paa, dahil sa paglalakad mula bldg. a to bldg. b, dito rin napaka konti ng upuan. Kung meron man, malamang sa isang restaurant o sinehan. Parang eksena lang sa paglubog ng titanic. Andaming pasahero, iilan lang ang lifeboat.

Sa mga eskwelahan:

BAWAL ANG HINDI NAKA-UNIFORM – No explanations necessary diba? Pero may mga naging kaklase ako noon na naka rubber shoes kapag polo and slacks ang suot habang naka leather shoes naman kapag naka pang PE uniform. Ginawa atang panghimagas ang lumang langis ng auto nila nung nag oil change.

BAWAL ANG MAHABANG BUHOK – Kimpy at Oasis. Dalawa lang silang pagpipilian nung high school ako. Parehas ding bawal sa campus namin. Kung kimpy ka, gugupitan ka ng teacher mo na tila pinagtripan ka ng barberong sabog sa heroine. Kung oasis naman ang hairdo mo, na nangangailangan ng isang boteng semento este gel para maisakatuparan, sha-shampuhin ka ng tide bar sa gripo.

Sa trabaho:

BAWAL ABSENT/LATE – Mga sakit na nage-exist lamang sa imahinasyon mo. Birthday ng buong angkan niyo. Pagkamatay ng lolo o lola mo ng labing anim na beses. Buhol buhol na traffic kahit araw-araw ka namang dumadaan doon. Lahat ito naidahilan mo na. Pero tandaan, pag nagdahilan na may sakit ka, umubo ng umubo pagka pasok mo kinabukasan. Kung pagkamatay naman ng isang kamag-anak, magsuot ng itim. Kung dahil na-traffic, magpahid ng grasa sa mukha at sabihing sa sobrang bagal ng galaw ng mga sasakyan sa EDSA, nag accumulate na ang mga usok nila sa mukha mo.

BAWAL MATULOG – Weird. Kasi pag asa bahay ka, nahihirapan kang matulog. Pero pag nasa opisina kana at kaharap mo ang tambak na trabaho, daig mo pa ang pumapak ng isang boteng sleeping pills. Matindi pa nito, pag may nang-gising sayo, sasabihin mo, “hindi ako nakatulog, pinikit ko lang mata ko”.

BAWAL MAG-FACEBOOK – Sira ulo ang nakaisip nito.

BAWAL MAG-TAGALOG – Para ito sa mga callcenter agents. Yung mga unggoy na english nang english sa mga pampublikong lugar at sasakyan pero nangangati ang dila na mag-tagalog sa mga “english only policy” area sa opisina. Nakakapraning ata ang sobrang kape.

Hindi lang batas o mga institusyon ang pwedeng magtakda ng bawal.

BAWAL NA PAGKAIN – Naranasan mo naba yung pinagbawalan ka ng doctor na kumain ng mga partikular na ulam o sangkap. Diba kung ano yung sinabi niyang wag mong kainin, yun ang huling imahe sa isip mo, tapos bigla kang matatakam. Handa mong isugal ang buhay mo para sa isang kagat ng frech fries. At bakit ba yung mga masasarap na pagkain ang nakasasama. Bakit hindi nalang ampalaya ang nagko-cause ng cancer o kaya naman, kang-kong ang sanhi ng high blood pressure. Samantalang porkchop ang gamot sa osteoperosis at chicharon bulaklak ang panlaban sa diabetes.

BAWAL NA GAMOT/SUBSTANCE – Lalakeng tulala sa pader at binibilang ang mga dumadaang langgam. Manong na nangrape nang hindi niya namamalayan. Tamang trip lang o bayolente man ang resulta, isang malaking kagaguhan ang gumamit o ni tumikim ng mga ito. Sa sobrang dami ng balita tungkol sa masamang epekto nito, gunggong ka nalang talaga pag bumili ka pa at sumubok. Problemado ka? Bakit hindi ka nalang tumawag kay papa jack? Matatawa ka pa na parang humithit ng chongke.

BAWAL NA PAGIBIG – Ang party na hindi masaya. Third Party. Oo nga naman. Bakit sa milyon-milyong tao sa mundo, bakit ba ang gusto mo e yung may asawa o karelasyon na? Endangered specie ba siya na dapat magkaroon ng higit pa sa isang kapartner para dumami ang lahi? Ano yun? Captive breeding? At isa pa. Siya lang ba ang nag-iisang sweet, romatic at may bigoteng nakakakiliti sa ibabaw ng daidig? Tandaan, kahit kailan, hindi pwedeng itama ng pag-ibig ang isang maling gawain. Kung pwede yun, sana ginawa na itong alibi ng mga kriminal. “Sinaksak ko po siya kasi mahal ko ang bitbit niyang cellphone”.

Sabi nila, too much rules f*cks up the system. Sabi naman ng iba, too much democracy initiates chaos. Ano ba ang dapat?

Pag sinabi mo bang “bawal” ang isang bagay, tumatawag ba ito ng maling uri ng atensyon? Mas nagiging curious ba tayo kung bakit bawal ito kaya natin nasusuway?

Bakit masarap ang bawal? Kasi daw may kakaibang “thrill” itong taglay. Teka. Kung ganoon lang pala ang hanap mo, bakit di ka nalang sumakay sa roller coaster o mag trabaho sa karnabal kung saan ikaw yung binabato ng kutsilyo ni manong magician?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: